Tuesday, November 18, 2008

Si Leo Rimando at ang Teatro ng Pakikibaka sa Kalunsuran


Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining

Tinalakay sa ikalawang Talakayang Leo Rimando sa PUP Sta. Mesa, Manila, Setyembre 20, 2007 sa inisyatiba ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC), Concerned Artists of the Philippines (CAP) at Sining na Naglilingkod sa Bayan (SinagBayan)sa pakikipagtulungan sa PUP Center for Nationalist Studies, CONTEND at Sentral na Konseho ng mga Mag-aaral.

Sa alinmang paggunita sa panahon ng Batas Militar, politika ang pangunahing umaagaw ng pansin. Ang gawaing pangkultura sa nasabing panahon ang tanghalan ng naging ambag ni Leo Rimando sa matagumpay na pagsulong ng kilusang pambansa-demokrasya laban sa diktaduryang Marcos. Politika ang nasa ubod ng gawaing pangkultura, na isang pagsasapraktika ng mga batayang prinsipyo sa pagpapalaya sa sambayanang ginapos ng pyudal at kolonyal na pagniniil.

Madalas na madalian ang pagbubuo ng isang pagtatanghal. Kapag kulang sa panahon ang paghahanda, ang prinsipal na layunin ng pagtatanghal ay siyang unang-unang pinagtutuunan ng pagsisinop. Ganyan ang pangangailangang humubog sa mga pagtatanghal sa mga rally at demonstrasyon, kaya’t may umiral na impresyon sa malay ng mga tagalabas ng kilusan, na ang tanging layunin ng mga iskit ay magkalat lamang ng propaganda. At tunay namang sa mga biglaang pagtatanghal, ang minamahalaga ng mga artista ay kagyat na maiparating sa mga manonood ang politikal na mensahe ng mga islogan, awitin, dula at tula .

Ang sining ay humihingi ng panahon upang mailangkap ito sa politika ng isang pagtatanghal. Kabilang sa mga sangkap nito ang kasanayang kininis upang lalong mapatingkad ang kahulugan ng mga salita at galaw, ng sama-samang pagkilos at pagtatampok sa eksena ng himig o ingay na nagbibigay-bisa sa karanasang dulot ng makikita sa entablado. Sa pag-eensayo ng mga aktor napaghuhusay ang pagbigkas at paggalaw, ngunit ang tawag ng pangangailangan kadalasa’y sumasagka sa panahong hinihingi ng ensayo. Kung paano naihahanap ng kaukulang panahon ang pag-eensayo ay nakadepende sa tiyaga at sipag ng kadreng pangkultura na namamahala sa grupong pangtanghalan. Dito natin kikilalanin ang tatag at tibay ng makabayang artistang tulad ni Leo Rimando.

Sa panahon nang siya ay naging aktibo bilang direktor ng Panday Sining, ang teatro ng pakikibaka ay pinalad na magkaroon ng manggagawang pangkultura na hindi lamang may matalisik na pampulitikang kamalayan kundi isa ring malikhaing artista na malalim at malawak ang kaalaman sa sining ng pagtatanghal. Nagsimula siyang mapasok sa larangan ng teatro nang siya ay undergraduate na major sa siyensya sa UP Los Baños, at noon nasubok ang kanyang kahusayan bilang aktor na may malagong boses. Bilang iskolar, naipadala siya ng UP sa UCLA Berkley upang magtapos ng MA sa entomolohiya. Sa UCLA, hindi lamang siyensiya ang kumain ng kanyang panahon. Ang pakikipamuhay sa unibersidad ay nagbukas ng pinto upang ang kanyang unang karansan sa teatro sa Los Baños ay mapalalim sa pamamagitan ng pagsali sa mga grupong panteatro tulad ng Berkley Players, ng Oakland Community Theater at San Francisco Actors’ Workshop. Buong kasiglahang niyakap ni Leo ang buhay sa tanghalan at masasabing nang siya ay bumalik sa UP Baños, ganap na ang kanyang pagiging taong-tanghalan.

Bilang miyembro ng Upsilon Sigma Phi, hinawakan niya ang Actors’ Workshop at namahala sa ilang produksiyon ng fraternity. Nagkaroon ng di pagkakasundo sa pagitan ng Upsilon at ng Actors’ Workshop, at napunta si Leo bilang direktor sa Beta Sigma. Sa panahong ito ng kanyang pagtuturo ng siyensya sa Los Baños, buhos na buhos ang kanyang talino at kasanayan sa pagdidirehe ng mga dulang galing sa Kanluran. Subalit nang minsang mapanood niya ang produksiyon ng kaibigang direktor na si Ruben Olaguer, ganap niyang ikinabahala ang nilalaman ng produksiyong Sinipi sa Buhay. Inilarawan sa produksiyon ang matinding pandarahas ng militar sa mga pumupuna at tumututol sa mga patakaran ng pamahalaang Marcos.

Pagkaraan noon , unti-unting binago ang maka-Kanlurang oryentasyon sa teatro ni Leo ng mga babasahing sinimulang niyang paghanguan ng kaalaman tungkol sa kilusang noo’y lumalaganap sa mga kampus. Di naglaon at nagpasya siyang sumapi sa Kabataang Makabayan sa Timog Katagalugan. Kinilala ng KM ang kanyang matimbang na kasanayan at karanasan sa teatro at siya ay nalipat sa KM-National upang sa yunit na iyon siya kumilos bilang bahagi ng pangkulturang pagsusulong sa kilusang pambansa demopkrasya.

Dekada 60 noon at nagsisimula ang realsyong “people-to-people” sa pagitan ng China at Filipinas. Nag-organisa ang makabayang ekonomistang si Alejandro Lichauco ng isang Trade Mission na dadalaw sa China upang magmasid sa mga pagbabago sa isang lipunang naipagtagumpay ang isang rebolusyon. Napabilang si Leo Rimando sa mga delegado. Isang paglalakbay iyon para kay Leo na maghahatid sa kanya sa maalab na pagtataguyod sa sining at politika ng teatro ng pakikibaka.

Anim na buwang nanatili sa China si Leo at sa panahong iyon ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa China ni Mao Zedong, nasaksihan niya kung paano pinagsanib ang sining at politika sa mga dulang kanyang napanood. Ang anim na buwang pagsaksi sa mga “modelong dula” ng pangkating Chiang Ching ay nagdulot ng ganap na radikalisasyon ng sensibilidad ng direktor, at noo’y kusang ipinahubog sa estetika ng Kanluran ang kanyang pagkatao. Sa pagbabalik niya sa Filipinas, handa na niyang hubugin ang mga pagtatanghal ng kilusan ayon sa modelong Chino .

Bakasin natin sa apat na dulang pinamahalaan ni Leo bago bumagsak ang Batas Militar upang mapasimulan nating pahalagahan ang naging bisa ng dating ni Leo sa mga grupong pangkultura ng kilusan. Ang Masaker sa Araw ng Paggawa ay isang choral recitation ng magkahalong prosa at tula na nagsasakdal sa pamamaslang na naganap sa rally ng mga mangagawa sa harap ng Kongreso noong Mayo 1, 1971.

Ang pagdakila sa tatlong manggagawang namatay sa bala ng mga militar ay naaayon sa pagtatampok sa uring manggagawa bilang pangunahing puwersa ng rebolusyon, na nagsasatinig ng mga hinaing at pagtutol ng lahat ng inaapi sa lipunang Filipino. Sa pagtatanghal, kinikilala ang uring magsasaka bilang saligang lakas ng rebolusyon… Bilang pagtatapos, isisigaw na,

Sa patnubay ng kaisipang manggagawa’y
Susulong ang pakikibaka!
Ang tagumpay ng Partido
ay tagumpay ng masa!


Umaalinsunod sa estilo ng pagtatanghal ng mga modelong dula ng China ang tindig at galaw ng mga manggagawang tauhan, pagpapakilala ng marubdob na paninindigang naggigiit sa pamumuno ng uring manggagawa sa pakikibaka tungo sa paglaya ng masa. Ang ganitong maka-uring pananaw ay katangiang maingat na inilalapat ni Leo sa mga tauhan sa kanyang mga pagtatanghal. Ang proletaryo ay laging matipuno at masigasig, puno ng dinamismo bilang kinatawan ng uring nagdadala ng mga kaisipang mapagpalaya.

Ang Hukumang Hubad ay bunga ng “mahabang proseso ng pagbubuo ng bordaor” na ibinase sa dulang Hukumang Tuwad na nagsimula naman bilang Hukumang Bayan. Unang itinanghal ito noong Agosto 13, 1972. Mahihinuha na sa proseso ng pagbago sa iskrip, naging mapagpasya ang mga pagwawasto ni Leo sa linyang pampolitika at estilo ng pagtatanghal. Nasa anyo ng isang paglilitis ang dula. Isinakdal ng mga reaksiyunaryo ang mga progresibo sa mga salang subersyon, panggugulo, pagpatay at kung anu-ano pa. Pinamumunuan ang mga progresibo ng tauhang Proletaryado. Kabilang sa mga kapanalig ni Proletaryado sina Magsasaka, Manggagawang Tsuper, Estudyante, Guro, Sanggano at Puta, Pambansang Minorya at Pambansang Burgesiya. Makabuluhang pansinin na sa pagtatanghal, mangaggaling sa mga manonood ang mga tauhang progresibo. Pahiwatig ang ganito na nasa panig ng mga Progresibo ang mga manonood na siyang kumakatawan sa sambayanan. Ang hanay naman ng mga tauhang reaksiyunaryo ay pinangungunahan ng Imperyalistang Kapitalista at Armadong Pasista. Ang Hukom, matapos niyang igawad ang kanyang hatol, ay makikiisa sa hanay ng mga reaksyunaryo.

Sa pagtatanggol ng mga Progresibo, pinalilitaw agad na ang mga reaksyunaryo ang may mas malubhang krimen na dapat panagutan. Sa pagbubukas pa lamang ng dula, nilinaw kaagad ang pamumuno ng Proletaryado. Mariing tumututol ito sa ginagawang pagtutulak sa kanyang mga kasamahang iniharap sa hukuman. May hamon kaagad ito sa pag-arestong walang warrant of arrest. “Ganito na ba ang pamamaraan ng estado?”

Tinipon sa dula ang sambayanang kabilang sa nagkakaisang prente na may mahalagang papel sa rebolusyong tinatanaw ng kilusan. Nakabungad rito ang Proletaryado na pinapangalawahan ng mga magsasaka. Kinakatawan ng mga estudyante at guro ang petiburgesya. Kinakatawan naman ng Sanggano at Puta ang lumpen proletaryado na siyang uring kinabibilangan ng nakararaming maralitang tagalungsod. May mga tauhang kumakatawan sa minorya at sa pambansang burgesya. At kapansinpansin ang ispesyal na banggit sa hanay ng mga tsuper na tinaguriang “manggagawang tsuper” bilang pagpupugay sa organisasyong Pasang Masda na nanguna sa malawakang welga ng mga sasakyang pampubliko noong Enero 1971. Sa kaduluhan ng dula, matapos hatulan ng Hukom ang mga nasasakdal bilang mga subersibo, ang mga progresibo, ayon sa iskrip, ay “maghahanay nang militante at duduruin ang mga reaksiyunaryo” sabay bigkas: “Nabibilang na ang inyong mga araw!”

Sa dulang Welga! Welga! higit nating marararamdaman ang dating ng politika at sining ni Leo Rimando. S a loob ng organisasyong KM-National nagtagpo ang kabataang may-akda ng dula na si Bonifacio Ilagan at ang batikang direktor ng mga pagtatanghal ng Upsilon at Beta Sigma sa UP Los Baños. Tagahanga na noon pa si Boni, na tumitingala sa talino at galing ng direktor ng mga de-kalidad na mga dula sa Los Baños. Ngayon siya ay isa nang mandudula at kanyang akda ang isasa-entablado ni Leo. Iisa ang ideolohiyang kanilang pinanghahawakan, pero malaki ang agwat ng kanilang kasanayan sa pagtatanghal. Sa bersyon ng Welga! Welga! na inilathala sa antolohiyang Bangon, hindi maikakaila ang malinaw na bakas ng interbensyon ng direktor. Sa introduksyon ni Glecy Atienza, ganito ang nakasaad
Maraming binago ang mandudula sa mas naunang iskrip…
Ilan sa rebisyon ay nagpapakita ng pagpipino ng iskrip ng dula tulad ng mas tiyak na gabay sa produksyon. Pangunahing konsidersayon ang paglilinaw ng linyang pulitika. Makikiisa ito sa mga pagbabago tungo sa mas maingat na karakterisasyon ng manggagawa bilang lider at (sa maingat na paglalarawan) na kolektibo ang mga welgista... Sa neribisang dula, ang mahahabang mensahe ni Ador ay pinagbaha-bahagi sa iba pang tauhan at hindi sa isang tao lamang nanggagaling ang mga ideya. Gayundin, higit na pinatitingkad ang tapang at pagkakaisa ng manggagawa. Mas idiniin ang pagkakaiba ng interes ng manggagawa at ng kapitalista. Ma-detalyado ring isinadula ang pagkalat ng welga sa kanayunan.

Sa sinumang nakaranas na ng kolektibong buhay sa isang militanteng organisasyon, hindi mapag-aalinlangan na ang mga pagbabago sa orihinal ni Boni ay bunga ng talakayan sa pagitan ng direktor at ng mandudula. At dahil sa nalalaman nating mataas na pagtingin ni Boni kay Leo bilang artista, mahihinuha nating maluwag na tinanggap ang mga puna at mungkahi ng direktor.

Ang teatro ng pakikibaka sa kalunsuran sa ilalim ng Batas Militar ay matibay na nakaugnay sa praktika ni Leo bilang direktor. Siya ay nagpamalas sa mga kasamang nasa iba’t ibang grupong pangtanghalan kung paano isinasapraktika ang mga tagubiling pang-anyo at pang-nilalaman sa panunuring pangmasang ginawa ng PAKSA sa mga dulang rebolusyunaryo sa panahon ng Unang Sigwa. Bukod sa pagtalima ng teoryang pinalganap ng PAKSA, ang anim na buwang inilagi niya sa China sa panahon ng Dakilang Proletaryong Pangkulturang Rebolusyon ay nagpatibay sa kanyang pagsapol sa pagsasanib ng sining at politika sa mga pagtatanghal na naglalayong palayain ang sambayanan sa tatlong salot ng piyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo.

No comments:

Post a Comment